Mga supporters ni Duterte ayaw sumuko, tuloy sa pagpapakalbo sa harapan ng Comelec

By Ruel Perez October 16, 2015 - 07:59 AM

DUTERTE
Kuha ni Ruel Perez

Hindi natinag ang mga supporters ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kahit pa naghain na ito kahapon ng kaniyang certificate of candidacy bilang reelectionist mayor sa lungsod.

Ang mga tagasuporta ni Duterte na mula kahapon ay nasa Intramuros, Manila na ay patuloy sa kanilang panawagan at pag-asang tatakbo pa rin si Duterte.

Bitbit ng grupo ang malaking banner ikinabit nila sa harapan ng Plaza Roma na may nakasulat na “Mayor Duterte, kung matigas ang ulo mo, mas matigas ang ulo namin. Nag-iisa ka lang, marami kami”.

Sagot nila ito sa nakasulat sa t-shirt ng executive assistant ni Duterte kahapon na si Bong Go na “Sinabi ko na ayaw ko, ang titigas ng ulo niyo.-Rody Duterte”.

Patuloy din ang pagpila ng mga supporters na nagpapakalbo, bilang bahagi ng kanilang kampanya na ‘kalbo para sa pagbabago’.

Ayon kay Ted Nuas na siyang nagsisilbing barbero ng mga nais magpakalbo, kahapon ay umabot sa halos 30 ang kaniyang nakalbo, at ngayong umaga ay pito na ang nakapagpakalbo.

Dahil sa dami ng nais magpakalbo, pumurol na aniya ang blade ng pang-ahit na kaniyang ginagamit.

Nanawagan naman si Nuas sa mga nais mag-donate ng blade dahil marami pa aniya ang nakapila para magpakalbo ngayong araw.

TAGS: RodrigoDuterte, RodrigoDuterte

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.