Dalawa patay sa buy bust operation sa Batangas

By Justinne Punsalang May 21, 2018 - 12:38 AM SHARE(S):

Hindi na umabot pa ng buhay sa ospital ang dalawang drug suspects matapos mauwi sa engkwentro ang ikinasang buy bust operation sa Barangay Matabungkay, sa Lian, Batangas.

Kinilala ang mga nasawing suspek na sina Paolo Villapando at Nelson Alab.

Ayon sa mga otoridad, nagsagawa ng buy bust operation ang pinagsanib na pwersa ng Lian Municipal Police, Nasugbu Municipal Police, at Batangas Provincial Police laban sa dalawa.

Ngunit natunugan nina Villapando at Alab na pulis pala ang katransaksyon, dahilan upang manlaban ang mga ito at mauwi sa palitan ng putok ang operasyon.

Agad na isinugod sa Apacible Memorial District Hospital ang dalawang suspek upang malapatan ng lunas. Ngunit kapwa silang idineklarang dead on arrival.

Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang isang Magnum 357 pistol, isang kalibre 38 baril, at dalawang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Samantala, napag-alaman na kabilang si Villapando sa mga drug personality ng Balayan Police, habang dati nang naaresto si Alab ng Nasugbu Police dahil pa rin sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.