Hindi bababa sa 8 patay sa school shooting sa Texas

By Rhommel Balasbas May 19, 2018 - 01:31 AM

Tinatayang nasa walo hanggang 10 ang patay matapos ang panibagong insidente ng shooting incident sa Santa Fe High School sa Texas.

Ayon kay Harris County Sheriff Ed Gonzales, karamihan sa mga pinaniniwalaang nasawi ay mga estudyante.

Dalawang estudyante ang nasa kustodiya ng mga awtoridad matapos ang pag-atake umaga ng Biyernes oras sa Texas.

Ayon kay Santa Fe Police Chief Jeff Powell, natagpuan ang ilang mga pampasabog sa loob ng eskwelahan at inabisuhan agad ang mga residente na huwag pakialaman ang mga bagay na kanilang makikita.

Samantala, kabilang sa mga sugatan ay isang pulis.

Maraming mga estudyante ang isinugod sa mga pagamutan sa iba’t ibang bahagi ng Texas.

Mariing kinondena ni President Donald Trump ang pangyayari at tinawag itong kasuklam-suklam.

Anya, determinado ang kanyang administrasyon na gawin ang lahat upang maprotektahan ang mga estudyante at sigurihin ang seguridad sa mga paaralan sa Estados Unidos.

Ito na ang itinuturing na ‘deadliest school shooting incident’ simula Pebrero.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.