Mga pulis na nagsilbi noong halalan, pinuri ng DILG

By Isa Avendaño-Umali May 17, 2018 - 12:09 AM

Pinuri ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lagpas sa isanlibong pulis na tumugon sa tinatawag na ‘call of duty’ para magtagumpay ang katatapos lang na Barangay at SK Elections noong May 14.

Binigyang diin ni DILG Secretary Eduardo Año ang kahalagahan ng kanilang papel kaya’t hindi nakapagtala ang Comelec ng ‘failure of elections’ saan mang bahagi ng bansa.

May 1,104 na miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang pinadala sa iba’t ibang polling precincts sa Mindanao, Cordillera Administrative Region at Calabarzon kung saan sila nagsilbing Board of Election Tellers (BETs).

Dahil ‘optional’ na lamang ang election duty lalo na kung may banta sa seguridad ng mga guro sa ilalim ng Election Service Reform Act of 2016 (R.A. 10756) ang dahilan kung bakit hindi sumipot ang mga dapat sana’y nakatalagang BETs sa mga presinto sa mga nabanggit na rehiyon.

Sa kabilang banda, pinasalamatan ng DILG ang buong pwersa ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) na tumutok sa mapayapa at maayos na pagdaraos ng halalang pambarangay.

Lumalabas sa assessment ng Pambansang Pulisya na ‘generally peaceful at orderly’ ang election period ngayong taon sa kabila nang naitalang 47 election-related incidents.

Ang bilang na ito ay mas mababa sa 57 violent incidents noong 2013 Barangay at SK Elections.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.