Singer-Actress na si Elizabeth Ramsey, pumanaw na

By Dona Dominguez-Cargullo October 08, 2015 - 12:27 PM

JAYAPumanaw na sa edad na 83 ang singer-actress-comedienne na si Elizabeth Ramsey.

Ito ang kinumpirma ng anak ni Ramsey na si Jaya. Ayon kay Jaya, hindi na nagising mula sa pagkakatulog ang kanyang ina.

Sa kaniyang facebook account sinabi ni Jaya na mapayapang pumanaw ang kaniyang ina at nasa kamay na ito ngayon ng Panginoon. Nagpasalamat din si Jaya sa lahat ng nagmahal at nagdasal para kay Ramsey.

“Mama Beth is now with our Lord… 83 years has been full. Love and laughter, she has given not just our family but the whole nation. Thank you for your love and prayers and I rejoice because she passes in her sleep. In peace. In God’s loving arms. Bye mama, until we meet again. I love you forever. Thank you Jesus,” nakasaad sa facebook post ni Jaya.

Sa post naman sa kaniyang instagram account, may inilagay na larawan si Jaya na may nakasulat na “Jesus is the only way to God”.

Noong August 7, 2015, si Elizabeth Ramsey ay dinala sa ospital matapos ma-stroke. Sa kaniyang mensahe, humingi si Jaya ng panalangin dahil nasa intensive care unit ng Philippine Heart Center noon ang kaniyang ina.

Pero ilang araw matapos madala sa ospital sinabi ni Jaya na umayos ang kondisyon ng kaniyang ina na aniya ay nakaranas ng hyperglycemia dahil sa kaniyang diabetes.

Si Ramsey ay ipinanganak noong December 3, 1931. Nakilala ito sa kaniyang Visayan-accented dialogues, at kinilala bilang “Queen of Rock and Roll at “Original Queen of Comedy”.

Nakilala si Ramsey nang manalo sa Student Canteen singing contest noong 1958.

TAGS: ElizabethRamsey, ElizabethRamsey

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.