Pagkulong kay dating Pangulong Gloria Arroyo, labag sa international law-UN

By Dona Dominguez-Cargullo, Erwin Aguilon October 08, 2015 - 09:54 AM

CGMA ClooneyLabag sa international law ang patuloy na pagsasailalim kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa hospital arrest.

Ito ang nakasaad sa inilabas na opinyon ng United Nations (UN) Working Group on Arbitrary Detention.

Inirekomenda din ng UN na mabigyan ng kompensasyon si Arroyo dahil sa mahabang panahon na napigil ang kaniyang kalayaan bunsod ng pagkakabilanggo.

Ang nasabing posisyon ay inilabas ng UN batay na rin sa reklamong inihain ng international lawyer na si Amal Alamuddin Clooney noong February 2015. Si Clooney na misis ng aktor na si George Clooney ay isa sa mga abugado ni Arroyo.

Ayon kay Clooney, sinabi ng Working Group ng UN na dapat ikunsidera ng pamahalaan ng Pilipinas ang petisyon ni Arroyo na humihiling na siya ay payagang makapagpiyansa sa kasong plunder.

Sa panayam ng Radyo Inquirer sa isa sa mga abogado ni Arroyo na si Atty. Larry Gadon, sinabi nito na kahapon ipinadala sa kaniya ni Clooney ang nasabing pahayag ng UN. “Inilabas ito ng UN noong Oct. 2, ipinadala ito sa akin ni Atty. Clooney kahapon. Sa findings ng United Nations (UN) Working Group on Arbitrary Detention, labag sa standards ng international law ang pagkakadetain kay CGMA at hinihimok ang Philippine Government na palayain na si CGMA,” ayon kay Gadon.

Una nang kinumpirma ng kampo ni Arroyo na iniakyat nga ni Clooney ang nasabing reklamo sa UN.

Sa reklamo ni Clooney, binanggit nitong dahil sa kondisyong pangkalusugan at edad ni Arroyo ay hindi na dapat ituloy ang pagkakabilanggo nito sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC).

TAGS: clooneyarroyo, clooneyarroyo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.