Nakawan sa mga airport, tuloy pa rin sa “Wag Kang Pikon!” ni Jake Maderazo

By Jake Maderazo April 01, 2018 - 01:27 PM SHARE(S):

Nitong Miyerkules Santo, isang Japanese tourist si Yuya Sakata ay dinukutan ng Aus$1,700 sa routine baggage inspection sa NAIA terminal 3 ng dalawang “intelligence agent aides” ng Office of Transportation Security na sina Stephen Bartolo at Demie James. Nabawi lamang sa kanila ang Aus$300 at kinasuhan daw ng “Qualified theft” ang dalawa sabay sibak.

Noong Disyembre, mas nakakahiya ang nangyari sa asawa ng Turkish foreign minister na dumalo sa Asean foreign ministers forum.

Si Mrs. Hulya Cavusoglu ay ninakawan ng jewelry box na naglalaman ng Escada gold at diamond jewelries at nalaman lang niya pagdating sa kanilang bansa. Inireklamo ang insidente at nakita ang jewelry box sa “locker” ng   mga “baggage handlers” na sina Yves Ronald Baguion, Wilson Mataganas, John Andrews Racoma at isang Alfaro na pawang nakadestino sa NAIA terminal 1.

Doon sa Cebu International airport, ibinulgar ng private airport operator na GMR-MEGAWIDE CEBU AIRPORT CORPORATION (GMCAC) na talamak din ang nakawan ng bagahe doon dahil sa MIASCOR baggage handling services. Hindi raw inireport nito ang 18 sa 26 na kaso ng nakawan sa Cebu Airport. Ang MIASCOR ang may hawak ng mga bagahe sa NAIA, Clark, Mactan, Kalibo at Davao. Noong Enero, sumabog ang kaso ng OFW na si Juvenil de la Cruz, ng Pandi Bulacan nang ibulgar niya sa social media ang nasira niyang bagahe at nawalang gamit at pasalubong pagdating sa Clark International airport. Umabot ito ng 2M views at nagalit pa si Pres. Duterte.  Nasibak ang anim na empleado ng MIASCOR at kinasuhan daw ng “theft” sa piskalya. Malungkot lang ako dahil hindi pinangalanan sa media ang mga magnanakaw.

Pero kahit nagalit na si Duterte sa nangyari sa Clark, tuloy pa rin ang nakawan sa bagahe. Nitong Pebrero, isang Balikbayan si Ramon Segarra ang nagsabing nawalan siya ng mahahalagang bagay sa NAIA terminal 1. Diumano, nagkaroon ng delay sa “carousel” at nang makita nya ang kanyang bagahe, sira na ang “lock at zipper”.

Ang kontrata ng MIASCOR na merong 4,000 empleyado ay pinakansela ng pangulo at naging epektibo kahapon Easter Sunday. Ayon kay MIAA general manager Ed Monreal, merong 15 “baggage handling companies” ang papalit sa trabaho ng MIASCOR samantalang ang mga airlines ay kukuha na rin ng kani-kanilang “baggage handlers”. Sa madaling salita, hindi raw inaasahang magkakaproblema ng husto sa “transition” ng pagkawala ng MIASCO. Sa aking palagay, sayang na sayang ang balitang nasa 10 “most improved airport” ngayon ang NAIA sa buong mundo. Tapos ay sisirain lang ng mga dorobong magnanakaw sa bagahe, kontratistang taxi drivers, at mga salising security officers ng Office of Transportation security (OTS). At tila hindi yata natatakot ang mga magnanakaw na ito sa airport kahit nag-aalburuto na si Duterte.  Anong klaseng mga aksyon ang ginawa dito ni DOTR Secretary Arthur Tugade at ng katukayo niyang si OTC Administrator at Usec. Arturo Evangelista? Mga boss, garapalan na ang mga nakawan ng bagahe, dukutan sa turista at iba pa, ano ang ginagawa niyo? Puro dakdak at nganga!

TAGS: miascor, NAIA, OTS, miascor, NAIA, OTS

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.