3 patay sa hostage taking sa France; hostage taker, napatay din ng awtoridad

By Rhommel Balasbas March 24, 2018 - 04:37 AM

AP Photo

Patay ang tatlo katao habang 16 ang sugatan sa isang hostage taking sa isang supermarket sa France ng isang hinihinalang terorista.

Napatay din ng French Police ang suspek na kinilalang si Redouane Lakdim, 26 anyos matapos paulanan ng bala ang supermarket.

Naniniwala si French President Emmanuel Macron na lahat ng sirkumstansya at ebidenya ay nagsasabing isa itong terror attack.

Sinasabing ‘heavily armed’ ang suspek at iginigiit na pakawalan si Salah Abdeslam, ang isa sa mga pangunahing suspek na nakaligtas sa pag-atakeng naganap din sa Paris noong November 13, 2015 kung saan 130 katao ang namatay.

Nagsimula ang pag-atake ng suspek sa bayan ng Carcassonne kung saan siya unang nang-hijack ng kotse at ikinasawi ng isang pasahero habang sugatan naman ang driver.

Matapos nito ay binaril niya ang isang pulis na nagjo-jogging lamang kasama ang mga kasamahang pulis.

Makalipas pa ang ilang minuto ay tumungo na ang suspek sa Super-U supermarket at nanghostage habang isinisigaw na siya ay sundalong Daesh o ng Islamic State.

Ito ang unang terror attack sa France simula nang maupo bilang pangulo si President Macron noong May.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.