Billy Crawford, Coleen Garcia humingi ng dispensa sa binabatikos na Ethiopia prenup shoot

By Jay Dones March 12, 2018 - 01:30 AM

 

Mula sa preen.inquirer.net

Naglabas na ng kanyang pahayag ang tv host na si Billy Crawford at Coleen Garcia dahil sa pambabatikos na tinanggap mula sa netizens ng kanilang pre-nuptial shoot sa Ethiopia.

Matatandaang hanggang ngayon, umaani ng pambabatikos mula sa mga netizens ang mga larawan nina Billy at Coleen kung saan makikita ang pagpapakuha ng mga ito ng mga eleganteng larawan.

Gayunman, sa ilang mga larawan, makikita sa background ang mga residente ng lugar na kanilang pinuntahan.

Sa kanilang opisyal na mensahe, ipinaliwanag nina Coleen at Billy na wala sa kanilang intensyon maliitin at balewalain ang paghihirap at kapakanan ng mga tao sa naturang bansa.

Paliwanag pa ng dalawa, sa huling bahagi na lamang ng kanilang photoshoot sumali sa mga larawan ang mga bata at ilang residente.

Bilang katunayan, aliw na aliw pa anila ang mga paslit nang maging bahagi sila ng mga eksena.

Nakakalungkot anila na sa dami ng kanilang mga nakuhang litrato sa Ethiopia at magagandang mga karanasan sa naturang bansa, ay ang iilang litrato lamang ang piniling bigyan ng negatibong pananaw ng mga netizens.

Gayunman, giit pa nina Billy at Coleen, kanilang naiintindihan ang mga puna at humihingi ng dispensa sa pangyayari.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.