Babae patay matapos masagasaan sa Meycauayan, Bulacan

By Justinne Punsalang March 05, 2018 - 07:54 AM

Kuha ni Justinne Punsalang

Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang babae makaraang masagasaan sa bahagi ng McArthur Highway sa Meycauayan, Bulacan.

Kinilala ang biktima na si Normita Barcelona, 49-anyos.

Sa tindi ng pagkakabangga, kumalat ang iba’t ibang parte ng katawan ng biktima kahabaan ng McArthur Highway na sakop ng Barangay Saloysoy.

Ayon kay SPO1 Filamer Guillermo, napag-alaman nilang mayroong live-in partner si Barcelona na kasama nito ngunit nang maganap ang insidente pero hindi ito nadatnan sa lugar nang rumesponde ang mga otoridad.

Wala rin sa lugar ang sasakyang nakasagasa sa biktima, maging ang driver nito.

Teorya ng mga pulis, habang nasa gilid ng kalsada ang dalawa ay mayroong dumaang truck na siyang nakasagasa at nakakaladkad sa katawan ng babae.

Kita rin kasi sa trail ng dugo at lamang loob ni Barcelona sa kalsada ang skid mark ng isang malaking sasakyan.

Samantala, ayon sa kapatid ng biktima na si Glenn Santos, mismong ang live-in partner ni Barcelona ang pumunta sa kanya upang sabihin ang tungkol sa aksidente.

Marahil aniya ay dahil sa takot at kaba ay hindi na nakabalik pa ang live-in partner ng kapatid.

Nanawagan si Santos para sa live-in partner ng kanyang kapatid na lumantad upang mabigyang-linaw ang nangyari. Hiling din niya na sumuko na ang driver na nakasagasa kay Barcelona.

 

 

 

 

 

 

 

TAGS: accident, Filamer Guillermo, McArthur Highway, meycauayan bulacan, accident, Filamer Guillermo, McArthur Highway, meycauayan bulacan

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.