Guro arestado matapos magpaputok ng baril sa paaralan sa north Georgia

By Kabie Aenlle March 01, 2018 - 08:53 AM

Arestado ang isang guro sa Dalton High School sa north Georgia matapos siyang magpaputok ng baril sa loob ng silid-aralan.

Nakilala ang guro na si Randall Davidson, 53 taong gulang.

Naganap ang insidente dakong 11:30 ng umaga, oras sa Georgia, nang magkulong si Davidson sa classroom at tumangging magpapasok ng mga estudyante.

Nang magdesisyon ang principal na gamitan na ng susi ang silid-aralan, doon na nagpaputok ng handgun si Davidson sa bintana na nakaharap sa labas ng kwarto.

Agad na nagpatupad ng lockdown ang paaralan na sinundan ng mabilis na pag-responde ng mga pulis para mailikas ang mga nasa paligid ng classroom.

Makalipas ang nasa 30 hanggang 45 minuto, kusa nang sumuko si Davidson sa mga pulis.

Ayon kay police spokesman Bruce Frazier, wala silang nakikitang ebidensyang nagpapakitang may balak talaga si Davidson na paputukan ang sinuman.

Mapalad namang walang nasaktan dahil sa pagpapaputok ni Davidson ng baril, pero mayroon lang isang estudyante na natapilok matapos tumakbo dahil sa insidente.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

TAGS: Dalton High School, Georgia, teacher arrested, Dalton High School, Georgia, teacher arrested

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.