Mataas na military leader ng NoKor, dadalo sa closing ceremony ng Winter Olympics

By Rhommel Balasbas February 23, 2018 - 12:49 AM

 

Ipapadala ng North Korea ang isa sa mga pinakamataas na opisyal nito sa closing ceremony ng Winter Olympics sa Pyeongchang, South Korea.

Kakatawan sa North Korea si General Kim Yong-chol ang intelligence chief ng bansa.

Si General Kim ang lider ng spying agency ng North Korea na ‘Reconnaissance General Bureau’ na itinuturong mastermind sa mga pag-atake sa South Korea kabilang ang paglubog ng Cheonan navy ship noong 2010 na kumitil sa 46 na South Korean.

Ang nakatakda niyang pagdalo sa Winter Olympics ay inaasahang magpapahupa pa lalo sa tensyon sa pagitan ng dalawang Koreanong bansa.

Gayunman, may ilang naghihinala na ang kanyang pagbisita ay paraan lamang ng Pyongyang para pagandahin ang imahe nito.

Matatandaang makailang beses na kinondena ng iba’t ibang bansa ang North Korea sa paglulunsad nito ng kanilang nuclear weapons at missiles.

Tatagal ang delegasyon ni General Kim ng tatlong araw at inaasahang makakapulong niya si South Korean President Moon Jae-in.

Samantala, ang anak na babae naman ni US President Donald Trump na si Ivanka ang mamumuno sa delegasyon ng Estados Unidos sa Pyeongchang.

Iginiit naman ng mga opisyal mula sa South Korea na walang pormal na pagpupulong ang magaganap sa pagitan ng North Korea at US.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.