Mga opisyal ng Malay, itinuring na “constructive criticism” ang bansag na “cesspool” sa Boracay

By Kabie Aenlle February 20, 2018 - 02:38 AM

 

Nagsalita na ang mga lokal na opisyal ng Malay sa Aklan kaugnay ng paglalarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Boracay Island bilang isang “cesspool” o maduming lugar.

Sa kanilang inilabas na opisyal na pahayag, sinabi ng mga opisyal ng Malay na itinuturing nilang isang “constructive criticism” ang sinabi ng pangulo.

Gayunman, nanawagan naman sila ng “responsible journalism” sa mga media organizations dahil sa paggamit anila ng mga ito ng mga larawan kung saan nakikita ang malawak na pag-usbong ng mga algae o paglulumot ng dalampasigan.

Paliwanag ng mga opisyal, hindi laging ganito ang sitwasyon sa Boracay at nangyayari lang ito tuwing summer season.

Sakop ng munisipalidad ng Malay ang Boracay dahil tatlo sa barangay nito ay nasa naturang isla.

Batid naman anila ng lokal na pamahalaan ang problema sa kapaligiran ng Boracay, at iginiit na ginagawan na rin nila ito ng solusyon.

Alam rin nila na mayroon silang responsibilidad para pangalagaan ang enivornmental and social welfare ng isla.

Sa katunayan, sinabi ng mga opisyal na pumirma ang kanilang pamahalaan ng kasunduan sa top architectural firm na Palafox Associates para makabuo at makapagpatupad ng municipal tourism plan.

Kasama sa plano ang pag-decongest sa Boracay sa pamamagitan ng integration ng mainland ng Malay.

Maliban dito ay isusulong din nila ang pagparusa sa mga sumusuway sa 30-meter setback; pagbuo ng task force na magre-rehabilitate at magpapanatili sa kagandahan ng Bulabog Beach at silangang bahagi ng isla; paglinis sa mga residual trash mula sa central material recovery ng isla at ang mahigpit na pagpapatupad ng pagpapatayo ng sewage treatment plan sa mga establisyimento.

Tanggap nilang hindi pa rin masaya ang pangulo sa kabila ng kanilang mga pagsisikap, pero gagamitin nila ang sinabi ng pangulo para mas pag-ibayuhin pa ang kanilang mga ginagawa upang maisaayos ang lagay ng kapaligiran ng Boracay.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.