SABADONG “OIL PRICE ADJUSTMENT”, DAPAT NOON PA! sa “Wag Kang Pikon” ni Jake Maderazo

By Jake Maderazo February 18, 2018 - 11:40 AM SHARE(S):
Inquirer file photo

Nitong Sabado o Linggo, nagulantang tayo nang biglang mag-babaan ang presyo ng diesel at gasolina. Kadalasan kasi, Lunes iaanunsyo ang “rollback” o “increase” at Martes ng hatinggabi o 6am magiging epektibo.

Ang basehan ng presyo ng ating “oil products” ay ang isang linggong kalakalan sa “Mean of Platts Singapore” (MOPS) na nagtatapos tuwing Biyernes.  Ibig sabihin, ang “weekly oil price average” ay alam na sa Biyernes ng gabi at pwede nang baguhin ang presyo kinabukasan.

Pero, hindi ito ang nangyayari mula 1998 dahil ang regular na pagbabago ng presyo sa atin ay Martes. Kung rollback, nagkakaroon ng “window of profit” ang mga kumpanya ng langis ng tatlong araw, Sabado, Linggo at Lunes. Of course, ganoon din kung may “bigtime oil price increase” kung maglalaro ang kanilang “imbentaryo sa lumang presyo”, kayat kita pa rin ang mga kumpanyang ito. Lalo ngayong meron nang “excise tax” talagang magbabantay tayo sa nagmamahal nang presyo ng gasoline, diesel at kerosene.

Historically, ang sistema ng mga oil companies dito ay ‘malalaki” ang pagtaas ng presyo hanggang sa lumampas ng halos P2.75/L nitong Enero. Pero, kapag rollback ay inut inot lamang. Pero, paanong nangyari na ang oil price adjustments ay naging SAbado, at hindi na Martes?

Noong Biyernes ng 7PM, unang nag-anunsyo ang Phoenix petroleum, at ang kanilang rollback na P1.15 sa Gasolina, at P1.30 sa Diesel ay naging epektibo kinabukasan, Sabado.

Siguro, nagulantang iyong ibang “oil companies” dahil SABADO pa sila nakapag-react.  Ang Petron ay nag-anunsyo ng rollback, tanghali ng SAbado. Sumunod ang Seaoil bandang hapon, Shell, PTT, CALTEX samantalang gabi na gumalaw ang Total. Lahat sila, Linggo o kahapon sila nagbaba ng presyo.

Ano ang kaibahan ng isang araw na “delay sa rollback”?  Ang daily consumption ng Pilipinas ay 329k barrels bawat araw o 60 milyong litro. Kung tatlong araw na rollback, at piso ang ibababa, P60M o P180M ang tinatabo ng mga kumpanya sa tatlong araw na “delay” ay malaking tubo.

Pero nagkusa at hindi nanagpatubo ang Phoenix Petroleum, at niyanig ang industriya sa Sabadong rollback.

Sa totoo lang, dapat noon pa naging “transparent” ang gobyerno sa pagtakda ng presyo ng local “fuel products”.  Tingnan niyo, dalawa lamang ang “refineries” sa bansa, PETRON at Pilipinas Shell, bakit pare-pareho ang presyo ng mga oil companies na walang “refinery” at purely imported ang diesel at gasoline? Hindi ba dapat ay mas mura ang may refinery? O ang mga “imported finished products“ tulad ng “refined diesel at gasoline.”

Medyo  nakakalito at nakakainis talaga lalo na kapag pare-pareho ang kanilang presyo mapa-rollback man o increase.  Akala ko ba “competition” ang presyo, bakit halos iisa lang ang bilihan?

Ang sistemang ito’y noon pang 1998 ginawa ng Energy Regulatory Board at ng Department of Energy at 28 years nang ipinapatupad sa atin. Ni hindi ni-rebisa kahit isang beses man lamang gayong merong DOJ-DOE Task force tungkol dito.

Ngayon, sasabihin ng tao sa oil companies, pwede palang mag-rollback kayo tuwing SAbado, bakit ang tagal niyong ginawang Martes? Kumita pa kayo ng Sabado, Linggo at Lunes.

TAGS: diesel, gasoline, kerosene, oil, rollback

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.