Pulis patay, babaeng estudyante sugatan sa pananambang sa motel sa Pasig

By Kabie Aenlle, Len Montaño February 17, 2018 - 12:48 AM

Patay ang isang pulis ng Southern Police District Anti-Illegal Drugs Unit matapos itong barilin ng ilang suspects sa isang motel sa Pasig City.

Ayon kay Eastern Police District director Chief Supt. Reynaldo Biay, nasawi si SPO2 Ernesto Sanchez sa loob ng puting Toyota Fortuner sa Country Lodge Motel sa Bgy. Oranbo.

Sugatan naman ang kasama ni Sanchez na si Josebel Polo, 20-anyos na estudyante at residente ng Bgy. Addition Hills sa mandaluyong city.

Lumabas sa imbestigasyon na nasa loob ng SUV sina Sanchez at Polo nang dumating ang mga armadong suspects sakay ng itim na Toyota Revo na may plakang XAY 567.

Dinis-armahan ng mga suspects ang gwardya ng motel pagkatapos ay pinagbabaril ang saksakyan ng mga biktima.

Tinitingnan ng pulisya ang posibilidad na may nilulutong operasyon ang mga biktima nang sila ay salakayin.

Anggulo rin ng pulisya na asset o informant ng pulis ang estudyante.

Ngunit maliban dito, sinabi ni Pasig City Police chief Senior Supt. Orlando Yebra na kabilang rin sa kanilang tinitingnang anggulo ang posibleng pagiging magkarelasyon nina Sanchez at Polo.

Unang idineklarang kritikal ang kondisyon ni Polo, pero ngayon ay stable na ang kundisyon nito sa ospital.

Si Sanchez ay itinuturing nang beterano sa anti-drugs operations sa loob ng 20 taon.

Noong 2014 ay mapalad pa siyang nakaligtas sa naranasan niya ring pananambang.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.