COVER-UP SA DENGVAXIA, AMOY BILASA sa “Wag Kang Pikon” ni Jake Maderazo

By Jake Maderazo February 04, 2018 - 12:39 PM SHARE(S):
Inquirer file photo

Maraming kwestyon ang umiiral ngayon sa pamamahala ng Department of Health sa imbestigasyon ng P3.55B Dengvaxia vaccine program ng nakaraang Aquino administration.

Nakita ng tao sa Senate probe ang “pagmamadali” sa kontrata ng bakuna mula December 2015 o limang buwan bago mag-eleksyon. Inilunsad ni Health sec. Janet Garin noong April 4, 2016 kahit Marso ay sinabi ng WHO na delikado ang bakuna sa mga “seronegative” o first vaccination at pag-aralan pa ng husto ang tatlong turok na Dengvaxia vaccine.

Pero, tinuloy ni Garin kahit walang sistema para ihiwalay, kilalanin ang mga seronegative o first vaccination sa 489,003 pupils sa NCR, Calabarzon at Central Luzon.

Nang pumasok ang Duterte administration at si DOH sec. Paulynn Ubial noong July 2016, sinuspindi muna ang pagbakuna. Pero bandang Setyembre, itinuloy din ni Ubial hanggang umabot ng 800,000 ang mga nabakunahan. Ito’y kahit sinasabi ng mga pagaaral sa London at Singapore noon na may panganib pa ang Dengvaxia. Bakit kaya bumigay noon si Ubial? Confirmation o kasabwat?

Ngayon, mahigpit si Sec. Duque, pinag-refund pa ang SAnofi sa natitirang bakuna. Naglabas rin ng report ang UP-PGH expert panel na nagsabing sa 14 cases na siniyasat, merong dalawa na posibleng “vaccine failure” pero kailangan pa raw ng “otopsiya” para masiguro.

Lumabas din ang petisyon ng 100 doctor, academicians, health advocates at scientists na humihiling sa DOJ na itigil na ang pag-otopsia sa mga batang namatay sa Dengue. Nawawala na raw ang kumpyansa ng publiko sa “vaccination program” ng gobyerno. Ipinagtanggol din ang dating DOH officials at sinabing wala raw “perfect vaccine”. Wala daw problema ang “long term effect” ng Dengvaxia kayat dapat ibalik sa Mercado para naman sa mga nauna nang nabakunahan. Wow!  Hindi ko alam kung Sanofi Pasteur ang nagpapirma nito o ang grupo ni Garin, pero mukhang “hard sell” ito sa akin.

Ang isyu dito ay ang mga libu-libong “seronegative” na mga pupils na hindi pa nagkaka-dengue pero binakunahan. Nag-massive vaccination ang DOH nang walang kumpletong record kung sino ang sero-negative? Ginawa ba nina Garin at ng mga taga-DOH ang papel nila para may sapat na “data” ang Dengvaxia recipients? May listahan na ba? Mag-eeleksyon na kasi o nagmamadali sila sa laki ng project na P3.55B?

Sa totoo lang, hindi pa natin alam ngayon kung ilang mga bata riyan ang titimbwang bukas sa “severe dengue” na ibinabala ng Sanofi Pasteur at ng WHO.

Kinumpirma ng grupo ng PAO at mga volunteer doctors na ang Dengvaxia ang nagpalubha sa Dengue ng mga namatay na batang “seronegative’.

Noong July 2016, sinabi ng WHO na ang Dengvaxia ay nagsisilbing “silent natural infection” na nagpapalubha sa mga first timers kapag nagka-dengue.

Sa aking pananaw, eto na ang malaking “cover-up” para malinis ang perwisyo nitong Dengvaxia. Nariyan pa rin sa DOH ang mga opisyal na nagapruba ng bakuna. Pati DOJ na nagiimbestiga sa mga kapalpakan ng iilang doctor ay gusto pang ipatigil. At ang pananaw na walang perpektong bakuna sa akin ay isang walang pusong komentaryo sa mga buhay ng mga batang biktima ng kasakiman nitong sina Garin at iba pa.

Hindi kailanman maniniwala ang mga tao sa kasinungalingan ninyo.

TAGS: Dengvaxia, doh, DOJ, PAO, Sanofi Pasteur, Senado, Dengvaxia, doh, DOJ, PAO, Sanofi Pasteur, Senado

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.