Parusa sa mga pulis na sangkot sa chopper deal kinatigan ng SC

By Den Macaranas February 01, 2018 - 03:53 PM

Kinatigan ng Supreme Court ang naging desisyon ng Office of the Ombudsman na pagsibak sa ilang tauhan ng Philippine National Police at pag-alis sa kanilang mga benepisyo kaugnay sa pagbili ng mga police choppers noong 2009.

Sinabi ng Mataas na Hukuman na tama ang desisyon ng Ombudsman na sibakin sa pwesto sina dating PNP Director Leocadio Santiago, Jr. at George Piano; P/S Supt. Job Nolan Antonio, Edgar Paatan, Mansue Lukban at Claudio Gaspar, Jr.; C/Supt. Herold Ubalde at Luis Saligumba; Supt. Ermilando Villafuerte at Roman Loreto; C/Insp. Maria Josefina Reco; SPO3 Ma. Linda Padojinog, PO3 Avensuel Dy at non-uniformed personnel na si Ruben Gongona.

Noong 2009 ay bumili ang PNP ng dalawang unit ng Robinson R44 Raven Light Police Operational Helicopters na may presyong P62.6 Million at isang Robinson R44 II na nagkakahalaga naman ng P42.3 Million.

Nauna nang lumabas sa mga ulat na ang Manila Aerospace Products Trading Corporation ang supplier ng nasabing mga choppers.

Sa ginawang imbestigasyon ng Ombudsman ay kanilang napatunayan na isang Raven II lamang ang naideliver sa PNP samantalang ang isang chopper naman ay second hand na pag-aari ni dating First Gentleman Mike Arroyo.

Taong 2012 nang ibaba ang hatol sa mga respondents kung saan kasama dito ang pagbawi sa kanilang mga benepisyo sa PNP at perpetual disqualification sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.

TAGS: chopper deal, Mike Arroyo, PNP, rovilson, Supreme Court, chopper deal, Mike Arroyo, PNP, rovilson, Supreme Court

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.